Miyerkules, Marso 29, 2017
Bituin sa Putik
Ang Bato
Jose Corazon de Jesus
Ang Bato Ni Jose Corazon de Jesus
Tapakan ng tao, sa gitna ng daan;
Kung matisad mo’y iila-ilandang
Ngunit pagkatapos, pag ika’y namatay,
Bato ang tatapak sa bangkay mo naman
Batong tuntungan mo sa pagkadakila,
Batong tungtungan ko sa pamamayapa;
Talagang ganito sa lapad ng lupa
Ay hali-halili lamang ang kawawa
Balot ng putik, marumi’t maitim
Tinapyas at, aba! Brilyanteng maningning!
Sa putik din pala ay may bituin din
Na hinahangaan ng matang titingin
Maralitang tao’y batong itinatapon,
Sa lusak ng palad ay palabuy-laboy;
Nag-aral at, aba! Noong makaahon,
Sa mahirap pala nar’on ang marunong
Ang batong malaki’y kay daling mabungkal,
Ang batong brilyante’y hirap matagpuan,
Ubod laking tipak, mura nang matimbang.
Ga-mata ng isda’y pagkamahal-mahal.
Talagang ganito, madalas mamalas
Sa alimasag man ang malaki’y payat;
May malaking kahoy sy sukal sa gubat,
May mumunting damo, ang ugat ay lunas.
Ang bato sa ilog, ayun! Tingnan mo ba!
Batong nasa agos, makinis, maganda,
Batong nasa gilid, bahay ng talaba,
Sadlakan ng dumi at nilulumot pa.
O, batas ng buhay! Ang ayaw kumilos,
Habang tumatanda’y lalong nilulumot.
Kapag agos ng palad, ang takot sa agos.
Malayong matutong lumangoy sa ilog
Tatlong tungkong bato, nagtutuwang-tuwang
Nang makaluto ka ng kanin sa kalan
Mapurol mang gulok at kampit na batingaw,
Mapapatalim din ng batong hasaan.
Sa tao, ang bato, aklat ang kagaya,
Ang talim ng isip, tabak ang kapara;
Hasa ka nang hasang sumulat-bumasa,
Bukas-makalawa’y magiging pantas ka.
Kapag, nagkapingki bato mang malamig,
May talsk na apoy na sumasagitsit;
Ang noo ng tao, kapag nagkiskis,
Apoy ng katwiran ang tumitilamsik!
At saka ang bato ay may katarungan,
Taong nilulunod na bato ang pataw,
Kung taong masama’y di na lumulutang,
Ngunit kung dakila’y pumapaibabaw
Pagsusuri sa tulang ang bato
Jose Corazon de Jesus na kilala rin sa pangalang Pepito.Siya ay pangalang anak nli Dr. vecente de Jesus at Gng. Susana Panganiban. Pinanganak siya noong Nobyembre 22 1894.
Ang tulang ang bato ay may tradisyunal na taludturan sa dahilang ito ay may sukat at mayroon ding sukat.Ang tulang ito ay may 12 saknong at 4 na taludtud.
Sa una at pangalawang saknong ng tula ito ay nagpapahayag kung ano ang ginagampanan ng isang bato sa ating buhay. Ito ay nagsisilbing tapakan natin at ito rin ang magiging ibabaw ng ating mga labi.
Sa pangatlong saknong naman ay sinasaad dito kung ano ang nakapaloob sa isang batong maputik at hindi kanaisnais tignan ngunit kapag itoy nasuri maayroong makinang na bagay na makikita.
Sa natitirang mga saknong naman ay kinukumpara na nito ang mga bato sa mga pangyayati sa buhay ng mga tao.
Samakatwid ang buhay ng tao ay para ring nangyayari sa isang bato na kung saan ang mga taong inaapakan ay may kakayahan ding maging dahilan ng pagkatisod ng mga taong makapangyarihan. Ang mga taong inaapakn ay siya ring nagiging matagumpay pagdating ng araw. Kapag mayroong tiyaga ang mga tao ay makakahon din sa kahirapan. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay mananatili tayo sa ating kinalalagyan maaring tayo ay may pera ngayon ngunit ang pera ay nauubus din kapag hindi ito nagamit ng maayos. Hindi natin masasabi kung ano ang magiging kapalaran natin sapagkat ang buhay ng tao ay paikot ikot lamang.
Lagi nating tatandaan huwag nating apakan ang mga kapwa natin dahil sila ay tao ring kagaya natin na marunong mangarap at magsumikap upang mapa ganda ang buhay.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)